Ang Pag-asa ng Bayan


       Isa sa pinapahalagahang kataga mula kay Dr. Jose Rizal ay ang katagang, “Ang kabataan ay ang pag-asa ng bayan.” Ang pahayag na ito ay nagpapakitang naniniwala si Rizal na ang mga kabataan ay may kakayahan upang maging pag-asang maaaring magkaroon ng mabuting kinabukasan ang mga susunod na henerasyon. Kung kaya, pinapahalagahan niya ang edukasyon bilang pangunahing aspeto sa paglinang ng kakayahan at abilidad ng mga kabataan dahil naniniwala siyang ang kaalaman ay isang kayamanang hindi maaaring ipagpalit sa kahit anumang materyal na bagay. Ipinakita niya ito sa kanyang paggamit ng pagsusulat sa halip na gumamit ng dahas sa pakikipaglaban sa mga Kastila.


  Ngunit kung titingnan natin ang ating kasalukuyang panahon, ang sistema ng edukasyon ay malayo sa perpekto – marami sa mga kabataan ay hindi nabibigyan ng opportunidad na mag-aral dahil sa kahirapan, maraming pagkukulang sa mga silid-aralan at pasilidad ng mga estudyante, mababa ang kalidad ng edukasyon, at iba pang nakaakibat na isyu. Ayon kay Guillermo M. Luz, co-chairman ng National Competitiveness Council, ang Pilipinas ay pang-pito lamang sa siyam na bansa sa Silangan Asya sa larangan ng edukasyon. Ano nga ba ang mga dahilan sa pagkakaroon ng ganitong pagkukulang sa sistema ng edukasyon? Ano ang ating maaaring gawin upang mapabuti ang edukasyon sa ating bansa?


       Ang pinakamalaking dahilan sa pagkakaroon ng bulok na sistema ng edukasyon ay ang korrupsyon o ang pagkakamkam ng pera ng mga nanunungkulan. Ayon sa Artikulo XIV, Seksyon 5 ng 1987 Philippine Constitution, ang estado ay magtatalaga ng pinakamalaking badyet o pondo para sa edukasyon at sisiguraduhin nitong ang pagtuturo ay mataas ang kalidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng satispaksyon sa mga guro. Sa piskal na taong 2018 – 2019, ang itinalagang badyet sa Departamento ng Edukasyon ay 549.5 bilyong piso upang maipagpatuloy ang mga proyekto nito. Kung ating pagmamasdan, ang badyet na nakukuha ng DepEd bawat taon ay laging malaki at patuloy na tumataas ito pero taon-taon, nagkakaroon pa rin ng malaking kakulangan sa mga silid-aralan at guro. Sa taong ito, ang bansa ay nagkukulang ng 47,000 na silid-aralan at 81,000 na guro. Ayon sa DepEd, ang badyet na itinalaga sa kanila ay hindi pa sapat upang matugunan ang mga pagkukulang ngunit sa paglipas ng taon, halos hindi bumababa ang pagkukulang sa silid-aralan at guro. Sa katotohanan, maraming kaso ng korrupsyon ang napapaloob sa DepEd. Ayon sa libro ni Evelyn Chua na pinamagatang “Robbed”, nangungurakot ang ibang opisyal sa pamamagitan ng pagbebenta ng overpriced na libro at pagkukuha ng parte sa sweldo ng mga guro. Napakarami rin ang kaso ng pagtatalaga ng badyet sa pagpapatayo ng mga karagdagang bilang ng silid-aralan ngunit maraming estudyante ang nananatiling nagsisiksikan sa mga silid-aralan. Dahil sa mga ginagawang kaso ng korrupsyon, mas nagiging mahirap sa mga estudyante na magkaroon ng kalidad na edukasyon. Sa isang silid-aralan, karaniwang mayroong 40 hanggang 80 na estudyante, lalung-lalo na sa pampublikong paaralan. Ang ganitong sistema ay nakakaapekto sa pag-aaral sapagkat hindi nabibigyan ng angkop na atensyon ang bawat mag-aaral upang matuto talaga sila sa leksyon. Kung kaya, mahalagang magmatyag tayo bilang isang mamamayan ng Pilipinas at agad na ipag-alam sa mga awtoridad ang mga naturang gawain sa halip na manatiling bulag o umiwas sa problema.


  Hindi lamang korrupsyon ang isyung nakapalibot sa DepEd. Ang pangalawang rason sa pagkakaroon ng masamang sistema ng edukasyon ay ang pagkakaroon ng hindi kwalipikadong mga guro at mababang kalidad na aklat. Ayon sa Republic Act No. 7836, “under the law, no person shall practice the teaching profession without obtaining a valid certificate of registration and professional license.” Kahit na nagkakaroon ng nasabing batas, mayroong mga paaralang tumatanggap ng mga gurong walang lisensya. Sa isang pagsusuri noong 2010, nasabi ni Dr. Marcial Degamo mula sa DepEd, na walong porsyento ng pribadong paaralan sa Visayas ang tumatanggap ng gurong walang lisensya. Kamakailan lamang, mayroon ring mga kaso ng mga guro sa Junior High School na pinipilit na magturo sa Senior High School kahit na wala silang kwalipikasyon sa naturang asignatura dahil sa kakulangan ng guro. Isang guro mula sa Quezon City ay naglahad na nagtuturo siya sa SHS dahil sa direktiba ng kaniyang principal habang mayroong guro sa high school rin sa Manila ang nagsabing binigyan siya ng alok na magturo sa SHS. Dahil sa ganitong mga kaso, ang mga estudyante ay tinuturuan ng mga taong hindi talaga kwalipikadong magturo sa kanilang nakatalagang asignatura. Isa ito sa mga dahilang walang masyadong natutunan ang mga estudyante sa paglipas ng isang araw sa paaralan. Maliban sa ganitong mga kaso, laganap din ang kaso ng mga mababang kalidad na libro sa paaralan. Ang mga karaniwang isyung pumapatungkol nito ay ang pagkakaroon ng maraming maling impormasyon at detalye, at kaabikat na nito ang pagkakaroon ng kakulangan sa maibibigay na kaalaman ng mga librong ginagamit sa pag-aaral. Dahil sa ganitong isyu, napipilitan ang mga guro at mag-aaral na humanap at magprinta ng sariling materyal sa pag-aaral. Hindi lamang nakakaperwiso ang pagkakaroon ng mababang kalidad na aklat, ito rin ay nagiging hadlang na hindi nakakatulong sa mga estudyanteng maging produktibong mamamayan ng bansa.


  Ayon sa Artikulo XIV, Seksyon 1 ng 1987 Constitution, “the state shall protect and promote the right of all citizens to quality education at all levels, and shall take appropriate steps to make such education available to all.” Bagamat mayroong mga hakbang na ginagawa ang pamahalaan upang mabigyan ng angkop na edukasyon ang lahat, tila hindi pa rin ito sapat dahil ayon sa isang pagsusuri noong 2017, 3.8 milyong kabataan ang hindi nag-aaral. Kung kaya, ang kahirapan ang pangatlong isyu sa edukasyon.  Sa 2015, 21.5% sa populasyon ay naninirahan sa ibaba ng poverty line. Karamihan sa mga kabataang bahagi nito ay hindi nakakapagtapos sa pag-aaral dahil sa kakulangan ng pera upang makapag-aral o napipilitan silang magtrabaho sa maagang edad upang makabili lamang sila ng pangaraw-araw na pangangailangan. Hindi lamang ang mga naroon sa poverty line ang naapektuhan. Maging ang mga pamilyang nandoon sa middle-class ay nahihirapan ring mapag-aral ang kanilang mga anak dahil sa patuloy na pagtaas ng matrikula. Noong 2017, inaprubahan ng DepEd ang pagtaas ng matrikula sa 1,013 na pribadong elementary at high school habang inaprubahan ng CHED ang pagtaas ng matrikula sa 268 na kolehiyo at unibersidad. Unti-unting nagiging mahirap sa mga mag-aaral na makapag-aral dahil sa patuloy na pagtaas ng matrikula at hindi pa kasali rito ang kanilang gastusin sa pagbili ng mga aklat at kagamitang pang-eskwela. Ang pamahalaan ay nagbibigay ng mga skolarship upang matulungan ang mga mag-aaral kagaya ng ESC, ngunit hindi pa rin ito sapat upang maibsan ang pasan ng mga magulang na nagbabayad sa matrikula. Dahil sa kulang na suporta ng gobyerno mula sa pagtutuon nila ng atensyon sa ibang mga isyu, ito ay naging dahilan para magpakamatay ang iilang mag-aaral kagaya ni Jessiven Lagatic, Kristel Tejada, Rosanna Sanfuego, at Nilna Habibun dahil hindi nila kayang makapagbayad ng matrikula. Kung kaya, kinakailangang bigyan ng atensyon ng pamahalaan ang pagbibigay ng opportunidad sa mga kabataan upang sila ay makapag-aral.


    Bagamat nahaharap tayo sa ganitong mga isyu, sa kabutihang palad ay mayroong mga gurong talagang nagsisikap na matugunan ng angkop at sapat na edukasyon ang mga mag-aaral kahit na nahihirapan sila dahil sa maliit na sahod, nagsisiksikang silid-aralan, at kakulangan ng materyales para magturo. Minsan ay ginagamit nila ang kanilang pera at inaalay nila ang oras sa paggawa ng mga materyales sa pagtuturo upang maiparating talaga ang leksyon sa kanilang estudyante. Ang mga isyung ito ay tatlo sa pinakamalaking dahilang nahuhuli pa rin tayo sa ibang bansa sa larangan ng edukasyon. Ang pagtutuon ng pamahalaan ng kanilang atensyon sa pagbigay ng mabuti at angkop na edukasyong hindi limitado sa iilan lamang sa ating bansa ay isang hakbang upang mas mapabuti ang paglinang ng kabataan ngayon sa pagiging pag-asa ng bayan sa hinaharap. Hindi sapat na ang pamahalaan at ang mga guro lamang ang kikilos dahil ang edukasyon ay parang isang halaman, kapag didiligan ito at aalagaan, magbubunga ito ng maraming prutas. Kung kaya, bagamat mayroong maraming pagkukulang sa edukasyon, hindi dapat natin gamitin itong rason upang hindi tayo mag-aral ng mabuti. Sa halip, gamitin natin ang mga ito bilang motibasyon na magsikap at maging determinado upang makuha talaga ang edukasyon at kaalamang kinakailangan upang mas maging mabuti tayong mamamayan ng Pilipinas. At sa huli, gamitin natin ang ating boses upang ipaglaban ang edukasyon hindi lamang para sa ating sarili ngunit pati na rin sa ibang mga kabataang nahihirapang makakuha ng angkop at tamang edukasyon.

Mga Komento